Linggo, Abril 22, 2012

a must read! (reposted from my favorite author)

Title: Puting Rosas


Minsan ko pang hinagod ng tingin ang numero sa itaas ng pinto. 408. Nasa ikaapat na palapag ako ng STL Building habang kinakalma ang sariling paghinga dulot ng patakbo kong pag-akyat sa hagdan. Napapangiti ako. Halos tatlong taon na ako sa Pamantasan pero parang laging bago sa akin ang pagod.
            “Hmmmn…” ungol ko sabay tingin sa relong nasa bisig ko. Alas sais kinse na! Ang ibig sabihin noon ay labing-limang minuto na akong huli sa aking unang klase—ang Filret, isa sa tatlong asignatura sa Filipino na kailangang maipasa ng sinumang estudyante upang matagumpay na makapagtapos sa kolehiyo. Sentro ng pag-aaral dito ang Retorika na siyang sumasaklaw sa malikhaing pagsusulat kaugnay sa apat na paraan ng pagpapahayag—ang deskriptivo, narativo, ekspositori at argumentativo na may fokus sa mga estilo ng wika. Dito rin ay masusukat ang galing ng estudyante sa pasalitang pagpapahayag na malikhaing pamamaraan—at iyon mismo ang gagawin namin ngayong araw, ang pasalitang pagsusulit.
            Bakit ba ngayon pa ako nahuli? Nasapo ko na lamang ang aking noo. Kung mamalasin ka nga namang makasakay sa jeep na humihinto sa bawat kantong daanan. Bumunot na lamang ako ng malalim na paghinga bago ko binuksan ang pinto…
            Masigabong palakpakan ang sumalubong sa akin.
            “Mabuhay si Amor!” masiglang sigaw ni Shan, ang presidente ng aming klase. Walang bahid ng sarkasmo ang pagbati niyang iyon. Alam na alam ko kung para saan iyon.
            “Si Amor ang mapalad na mauuna sa ating pasalitang pagsusulit,” nakangiting sabi ni Bb. Mendez, ang aming guro.
            Alam ko iyon. Ang napag-usapan kasi, ang sinumang dumating ng huli sa klase ay siyang unang tatawagin para sa pasalitang pagsusulit. Sa pagsusulit na nabanggit ay dapat kaming maglahad ng isang karanasan na magdudulot ng aral sa lahat at ang kuwento ay dapat na ipapahayag ng tatlong sagisag na dapat rin naming ipakita sa klase.
            Ngumiti ako upang itago ang kabang nagsimulang sumikdo sa aking dibdib. Tinungo ko ang nag-iisang blangkong upuan sa tabi ni Shan at inilapag doon ang aking mga gamit.
            “Maagang dumating ang lahat,” bulong sa akin ni Shan. “Lahat sila ay natatakot mauna.” Ngiti lang ang tugon ko sa kanya.
            “Bibigyan kita nang limang minuto para maghanda, Amor.” sabi ni Bb. Mendez. Tumango ako at inihanda ang tatlong sagisag na dala ko.
            “Kaya ko ‘to…” bulong ko sa aking sarili upang palakasin ang aking loob. Sunud-sunod ang bunot ko ng hininga. Natapos na ang limang minuto.
            Tinawag ako ni Bb. Mendez.
            Sa marahang kilos ay nagtungo ako sa harapan ng buong klase. Ngumiti ako sa lahat.
            Tumahimik ang paligid. Tila may kung sinong nagnakaw sa kanina ay ingay ng bulungan at tawa. Nagyuko ako ng ulo at saglit na pumikit. May kapayapaang hatid sa akin ang katahimikang iyon.
            Huminga muna ako ng malalim bago ako tumingin sa aking mga kaklase.
            “Ito ang mga sagisag ng aking kuwento,” simula ko. “Ito ang una,” ipinakita ko sa lahat ang lumang larawan. Sa larawang iyon ay makikita ang isang labing-dalawang taong gulang na batang lalaki, nakatayo siya sa tulong ng magkabilang saklay. Matamis na nakangiti ang batang iyon. At sa ngiting iyon ay masasalamin ang kasiyahang hindi mo aakalain na nadarama ng isang batang may kapansanan. At sa mga mata nito ay naroon ang kislap na hahaplos sa puso ng sinumang titingin.
            “Siya si Christian,” pagpapakilala ko. “Isang kaibigan na namatay sa araw ng aking kapanganakan at ilang oras bago ang Noche Buena.” Matamang nakinig sa akin ang lahat. Walang sinuman ang nagtanong o nagsalita. Lahat ng mga mata ay nakatuon sa akin.
            Ramdam ko ang paglungkot ng paligid nang mga sumunod na sandali.
            “Ito ang ikalawang sagisag,” ipinakita ko ang isang pares ng mga mata na kinuha ko mula sa Internet. “Hindi ko makakalimutang sa nanlalabong paningin ko ay nakita kong nakatunghay ang mga matang ito sa akin noon. Nakita ko…nakita ko sa mga mata niya ang kakaibang damdamin. Iyon ang nagpasidhi sa pagnanais kong makilala ang nagmamay-ari ng mga matang iyon ngunit bigo ako. Hanggang ngayon, ang katauhan niya ay nanatiling misteryo para sa akin. Kaya ang mga matang ito ay sagisag rin ng aking paghahanap.” Nanatiling nakikinig sa akin ang lahat.
            “At ito ang ikatlo,” ipinakita ko ang huling sagisag—ang puting rosas. “Sa lahat ng sagisag na dala ko ay ito ang may pinakamasakit na tanda.” Maingat kong hinaplos ang malinis at mabangong bulaklak bago ako nagpatuloy. “Kaarawan ko noon…sampung taon na ang lumipas ay hawak ko rin ang ganitong bulaklak. Ngunit ang puti na kulay niyon ay nahalinlan ng pulang likido…ng sariwang dugo mula sa katawan ni Chrstian na noon ay wala ng buhay…” nagyuko ako ng ulo upang ikubli ang mga luhang nag-uunahan ng bumalong sa aking pisngi. “Ang dugo niya…na hanggang ngayon, sa kabila nang mga taong lumipas ay nararamdaman ko pa rin ang init sa aking mga palad…”
            “Amor,” nag-aalalang tumayo mula sa kanyang mesa si Bb. Mendez. Lumapit siya sa akin at bumulong. “Hindi mo kailangang ituloy ang kuwento. Baka makasama sa kalusugan mo.” Nag-angat ako ng tingin at ngumiti kay Ma’am.
            “Kaya ko po…”
            Hindi lingid kay Bb. Mendez ang kahinaan ng aking puso. Lahat ng aking mga naging guro at mga guro sa kasalukuyan ay alam ang kondisyon ko. Ngunit hindi ang isa man sa aking mga kaklase. Ang alam nila, ako’y katulad rin ng isang karaniwang estudyante—tulad nila na ang mundo ay umiikot sa pag-aaral at paglilibang. Oo, ako ay katulad rin nila, naghahangad na maranasan ang kagandahan ng buhay subalit ako ay may limitasyon. Pagdating sa aking puso, kailangan ang lahat ng emosyon ay nakaayon. Hindi ako maaring matuwa o kaya ay magdamdam ng labis. Ito ay makakasama sa aking puso at maaring maging sanhi ng atake. Hindi rin ako maaring mapagod ng sobra dahil ang pagbilis ng tibok ng aking puso ay may dalang panganib sa akin.
            Liban sa aking Lola Consuelo, malalapit na kaibigan at mga guro ay wala ng ibang nakakaalam ng sakit ko. Mas pinili kong ilihim iyon dahil ayokong ituring na kakaiba. Gusto kong mabuhay ng normal. Gusto kong mabuhay nang katulad din ng mga kabataang aking kaedad. Ayokong maramdaman na pinahahalagahan ako hindi dahil sa ako ay espesyal kundi dahil may dinadala akong sakit. Higit sa lahat ay ayokong kinakaawaan—tulad ngayon na nakikita ko ang awa sa mga mata ni Bb. Mendez.
            Kailangan kong patunayan kay Ma’am  na kaya ko at kailangan ko rin na panindigan ang desisyon kong ilahad sa kanila ang isang karanasan na nag-iwan ng marka sa aking isipan. Ngumiti ako kay Bb. Mendez. Tumango siya at bumalik sa kanyang upuan.
            “Parang isang aklat ang buhay ko at ang karanasang ibabahagi ko ay kabilang sa pahinang napaka-espesyal,” pagtutuloy ko matapos tuyuin ang aking mga luha. “Nasa ikatlong taon na ako sa kolehiyo ngayon. Sa mga taong lumipas hanggang sa ngayon ay patuloy akong naghahanap. Gusto kong makita at makilala ang taong nagmamay-ari ng mga matang nakita ko noon…”
            “Dito ba sa atin naganap ang karanasang ibabahagi mo sa amin, Amor?” si Shan ang nagtanong. Marahan akong umiling.
            “Hindi. Naganap ang lahat sa isang malayong Barrio, ang Barrio Milagrosa.”
            “Barrio Milagrosa?” ulit ni Shan. Kitang kita ko sa mga mata niya ang interes sa kuwentong ilalahad ko. “Nayon ba iyon ng mga himala?”
            “Sabi ng Lola ko,” tugon ko, pinipigilan ko ang muling pagbalong ng aking mga luha.
            “At naniniwala ka?”
            Marahan akong tumango. “Dahil…dahil maaring saksi ako ng isa—ang walang paliwanag na pagdating nang may-ari ng mga matang hinahanap ko…at ang kanyang pagkawala na simbilis rin ng kanyang pagdating…” sumasang-ayon na ngumiti si Shan.
            “Ituloy mo na ang kuwento, Amor, bago pa makaisip si Shan nang susunod na itatanong.” Sabi ni Bb. Mendez. Tumawa ng magaan si Shan.
            “Isa na lang, Amor. Ano ang dahilan ng pagkamatay ni Christian?”
            Puminid ang aking mga labi. Napatitig ako kay Shan ngunit hindi ko na makita ng malinaw ang kanyang mukha. Sa halip, pamilyar na mga larawan ang naglitawan sa aking isip. Mga larawang bahagi ng nakaraan. Mga larawang may kalakip na mga alaalang nahihimbing lamang sa aking diwa at ginising ng tanong na iyon ni Shan. Nagkaroon ng buhay ang mga larawan. Unti-unting nahawi ang takip na likha ng mahabang panahong lumipas…
            Ang masayang biyahe namin ni Lola Consuelo…
            Ang tahimik at malinis na Barrio Milagrosa…
            Ang mga parol na isinasayaw ng hangin ng pasko…
            Ang jeep…
            Ang duguang rosas…
            Ang walang buhay na katawan ni Christian…
Ang mga mata ng lalaking nakaputi…
Kasabay ng pamimigat ng aking dibdib ay ang walang patid na pagdaloy ng aking mga luha. Nabuhay muli ang sakit na idinulot ng pangyayaring iyon.
“Amor…” narinig ko ang boses ni Shan na tinatawag ako subalit hindi sapat ang tinig niya para ibalik ang isip ko sa kasalukuyan. Kasabay ng paglaya ng isang pamilyar na kuwento mula sa aking mga labi ay ang pagtangay sa akin ng tila makapangyarihang hangin patungo sa nakaraan…sa isang pamilyar na lugar na hindi ko kailanman makakalimutan.
Sa Barrio Milagrosa…
Dapithanpon na naman. Ang asul na kalangitang hinahagkan ng tila mga bulak na ulap kanina lamang ay unti-unti ng pumapanglaw. Inagaw na ng lungkot ang maaliwalas na kulay ng langit dulot ng pagpapaalam ng sikat ng araw.
Mula sa aking kinauupuan ay tumanaw ako sa malayo. Doon sa lugar kung saan ang papadilim na langit at ang berdeng palayan ay nag-aabot.
Ang ganda!
Napakasarap pagmasdan na ang napakatayog na kalangitan at ang lupang inaapakan lamang, sa dulo ay nag-aabot rin. Sana nga lang ay hindi ganoon kalayo.
“Ano’ng tinanaw mo, Amor?” napapitlag ako kasunod ang paglingon.
“Ikaw pala…” tulad ng dati ay masigla na naman si Christian. Kumikislap na naman ang mga matang salamin ang kasiyahang mula sa puso. Matamis ang ngiti niya. “Ang horizon ang tinatanaw ko.” Tugon ko at gumanti ng ngiti. “Saan ka galing?” usisa ko. Gamit ang magkabilang saklay ay naglakad siya palapit sa duyan na kinauupuan ko.
“Dinalaw ko si bestfriend sa simbahan. Malapit na rin ang birthday niya tulad mo kaya tinanong ko siya kung ano ang gusto niyang regalo.”
“Ano raw?”
“Ang ngiti ko raw,” saka siya masiglang tumawa. Iyon ang hinahangaan ko kay Christian. Sa kabila ng kanyang kapansanan ay punung-puno ng kulay ang mga ngiti niya, masigla ang bawat galaw niya, katibayan ng positibo niyang pananaw sa buhay. “Ikaw, Amor, ano ang gusto mong regalo?” pabiro ko siyang inirapan.
“Ayoko sa ngiti mo.” Biro ko. “Ang gusto ko ‘yong pinakamahalaga para sa’yo, iyon ang ibibigay mo sa akin.” tiningnan niya ako sa mga mata bago niya itinuon sa kalangitan ang tingin niya.
“Iyon lang ba? Sige, matatanggap mo iyon sa kaarawan mo.” Umihip ang hangin na dala ang simoy ng kapaskuhan. Tila nais maging saksi sa pangako ni Christian. “Magkita tayo sa tapat ng simbahan sa kaarawan mo.”
“Bakit sa tapat ng simbahan? Hindi ka pupunta sa bahay?”
“Pupunta. Kaya lang ay kailangan kong ibigay kay bestfriend ang regalo ko.”
“A sige, doon na lang tayo magkita.”
Ganoon lagi si Christian. Tuwing magkikita kami ay hindi niya nakakalimutang banggitin sa akin ang mabait niyang bestfriend na lagi niyang dinadalaw sa simbahan. Kaya naman, sa loob ng magdadalawang buwan na bakasyon ko sa barrio at pagiging magkaibigan namin ay parang kilala ko na rin ang kaibigan niyang iyon. Ang tanging kulang na lang ay makita ko siya ng personal.
“Dalawang taon ang tanda ko sa’yo, diba? Ibig sabihin, sampung taong gulang ka na sa darating mong kaarawan?” tumango ako. Ngumiti siya. “Kailan nga ba ‘yong birthday mo?”
“Ewan ko sa ’yo!” nakasimangot kong tugon. Masiglang tumawa si Christian.
“’Di kana mabiro. Siyempre alam kong sa ika-25 ng disyembre iyon.”
“Umalis kana nga!” itinataboy ko na siya dahil nanunukso pa rin ang tawa niya. “Bumalik kana doon sa plantasyon n’yo!”
“Masungit!” ganti niya, tumatawang tinalikuran na ako. “Sige, magpakalunod ka sa tanawin ng palayan n’yo!”
Pag-aari nga ni Lola Consuelo ang malawak na palayan na tinatanaw ko. Ang lupain kasi sa Barrio Milagrosa ay nahahati sa tatlong bahagi. Ang una ay ang malawak na palayan na tinatanaw ko. Ang ikalawang bahagi ay ang plantasyon naman ng niyog at abaka na pag-aari naman ng Lolo ni Christian. At ang ikatlong bahagi ay ang pinagsama-samang lupain ng mga mga taga-barrio na siyang pinagkukuhanan nila ng kabuhayan.
Sagana sa yamang hatid ng kalikasan ang Barrio Milagrosa. Mula sa malawak na palayang pinagkukunan ng pangunahing pagkain, sa mga puno ng niyog na nagbibigay ng sariwa at masarap na buko, sa mga puno ng saging na naninilaw ang mga bunga, sa matatayog na puno ng Pili na pinagkukunan ng kilalang Pili nuts candy sa lungsod ng Legazpi, hanggang sa mga ilog na pinamumugaran ng yamang tubig—lahat ay handog ng kalikasan.
Tama nga si Lola na pinagpala ang Barrio Milagrosa. Idagdag pa ang katahimikang naghahatid ng kapayapaan sa sinumang kinasanayan ang maingay na lungsod, iyon marahil ang dahilan kung bakit dito lagi nais ni Lola na ipagdiwang ang pasko.
Minsan ay dumaan ako sa simbahan para makita ang bestfriend ni Christian. Nanalangin muna ako. Pagkatapos ay iginala ko ang aking paningin para hanapin ang kaibigan ni Christian subalit walang tao sa paligid.
“Hinahanap mo ba ako, Amor?” boses ni Christian mula sa likuran ko.
“Hindi ikaw, ‘yong kaibigan mo.”
“Nakita mo ba?” umiling ako. “Sa mababait lang siya nagpapakita.” Biro pa niya.
“Hindi ako mabait, ganoon?” pinandilatan ko siya.
“Ikaw ang nagsabi niyan.” Tumatawa siya. “Pa’no bestfriend? Ihahatid ko muna si Amor ha?” nauna nang lumabas si Christian. Naiwan akong nagtataka. Sino ang kinakausap niya? Napansin kong sa krus na nasa altar siya nakatingin kanina. Nagkibit balikat na lamang ako at sumunod sa kanya sa labas.
Takipsilim na kinabukasan nang muli akong magtungo sa simbahan. Gabi kasi ang handaan sa bahay kaya susunduin ko na si Christian. Dahil nga Noche Buena na mamaya ay marami ng tao sa barrio—dahil sa mga taga lungsod na dumalaw para magdiwang ng pasko kasama ang mga kamag-anak. Kapag ganitong panahon ay maraming sasakyan sa kalsada dahil sa mga bisita ng bawat bahay.
Mayamaya lamang ay Noche Buena na. Mapupuno na naman ng masayang mukha ang aming hardin…
Ano kaya ang regalo sa akin ni Christian?
Mula sa malayo ay natanaw ko na ang maliwanag na parol sa simbahan. Binilisan ko ang aking paglalakad. Nang malapit na ako sa tawiran sa kalsada ay nakita ko si Christian na nakangiti. Galing siya sa loob ng simbahan. Napansin kong nakaipit sa tainga niya ang isang puting rosas. Paborito ko ang bulaklak na iyon kaya marahil ay iyon ang naisip niyang ibigay sa akin.
Nakangiti ako habang nakapako ang tingin ko sa bulaklak, nawala sa isip kong patawid pala ako sa kalsada. Ang tanging nasa isip ko ay palapit na ako kay Christian at ibibgay niya sa akin ang mabangong rosas. Mahahawakan ko na at maamoy ang—
“Amor!” malakas na sigaw ni Christian na tila gumising sa akin. Ngunit bago ko pa naintindihan ang dahilan ng pagsigaw niya ay naramdaman ko na ang pagtulak niya. Sumadsad ako sa gilid ng kalsada
At kitang kita ko…kitang kita ng dalawang mata ko kung paanong binundol si Christian ng isang jeep!
“Christian!” nadurog ang puso ko sa tanawing aking nasaksihan. Tumilapong kasama ng dalawang saklay ang katawan ng aking kaibigan. At kasabay ng ingay na pumunit sa paligid ang pagtilamsik ng dugo sa kalsada dulot ng pagbagsak ni Christian.
Sumigaw ako ng sumigaw. Siagw na unti-unting nawalan ng tunog nang maramdaman kong naninikip ang aking paghinga. Tila may pumipiga sa puso mo. Papahigpit iyon, hinahabol ko na ang aking paghinga mayamaya.
“C-Christian…” sa nanlalabong paningin ay nakita kong palapit ang isang taong nakaputi. Hindi na malinaw sa akin ang kanyang mukha. Naramdaman kong hinawakan niya ang walang lakas kong mga kamay at ibinigay sa akin ang rosas. Alam kong ang likidong nakapa ko roon ay dugo mula kay Christian. Humagulhol ako ng iyak.
Yumuko ang taong iyon at tahimik akong tinunghayan. Sa nanlalabo kong paningin ay naaninag ko ang kanyang mga mata. May kakaibang amo iyon…para bang napakabait ng taong nagmamay-ari niyon. Hindi ko kayang bigyan ng pangalan ang nasalamin kong damdamin sa mga matang iyon.
“Isasama ko na ang aking kaibigan.” Narinig kong sabi ng malamyos at buong tinig ng isang lalaki. Siya marahil ang bestfriend ni Christian.
Bago nagdilim sa akin ang lahat ay naaninag kong maingat na binuhat ng lalaking iyon ang duguang katawan ni Christian…
“Hindi ko akalain na ang tinutukoy palang regalo sa akin ni Christian ay ang kanyang buhay…” luhaang pagtutuloy ko sa aking kuwento. Nakayuko ang lahat, halos lahat ay luhaan.
“Mula noon ay hindi na ako nagdiwang ng aking kaarawan, maging ng pasko dahil ibinabalik lamang ng mga okasyong iyon ang masakit na kamatayan ni Christian.” Tinuyo ko ang aking mga luha. “Pero kahit masakit ay bumabalik ako lagi sa Barrio Milagrosa upang magbaka-sakali na muli kong makita ang lalaking may-ari nang mga matang hindi ko makalimutan, subalit bigo ako hanggang ngayon. Naglaho siyang tulad ng tuyong dahon na tinangay ng hangin. Ngayon ay nananatili akong naghahanap…”
Tahimik pa rin ang paligid. Mga pigil na hikbi ang naririnig ko. “Ngayon nga ay magpapasko na naman…muling mabubuhay ang sakit dito…” tukoy ko sa aking puso. “Alam n’yo ba na ang mga parol at Christmas tree, ang mga pamaskong tugtugin? Hindi saya ang hatid sa akin ng mga iyon. Alam n’yo kung ano? Ang masiglang boses ni Christian, ang pagtawag niya sa pangalan ko…ang jeep…ang ingay… ang sariwang dugo sa kalsada…ang rosas…” napahagulhol ako ng iyak. Walang sinuman ang kumilos. Lahat ay nakayuko at luhaan.
Napasinghap ako kasunod ang pagsapo sa aking dibdib nang maramdaman kong tila may humarang sa aking paghinga. Dumiin ang hawak ko sa aking dibdib.
Ang puso ko!
Bumigat ng bumigat ang aking pakiramdam. Pilit kong hinahabol ang aking paghinga na para bang anumang sandali ay tatakas…iiwan ako.
Napaawang ang aking mga labi nang pakiramdam ko ay may mga kamay na marahas na dumaklot sa puso ko…at piniga iyon. Papahigpit ng papahigpit hanggang naramdaman kong unti-unti ng humihina ang pintig niyon…at ang ritmo ng buhay sa aking dibdib ay alam kong magpapaalam na anumang sandali.
“Amor!” tinig ni Bb. Mendez. Gusto ko sanang magmulat para hindi siya mag-alala pero hindi ko na kayang lumaban pa. Isinuko ko na sa dilim na unti-unting sumasakop sa aking kamalayan ang natitirang hibla ng buhay sa aking dibdib.
“Amor!” si Shan at naramdaman kong sinalo niya ang aking pagbagsak. Hindi ko na nagawang tugunin ang pagtawag niya.
Nagdilim na ang lahat…
Napakahaba ng kadilimang iyon. Wala akong naulinigan na kahit na munting ingay. Napakatahimik ng paligid. Nakabibingi. Maging ang pintig ng aking puso ay hindi ko na rin marinig.
“Amor…” narinig ko ang boses na iyon na tinatawag ako. “Amor…” muli ay banayad na pagtawag ng boses. Masarap pakinggan ang tinig na iyon, parang pinapayapa ako.
Naulit ang pagtawag. Sa pagkakataong iyon ay parang humaplos na sa kamalayan ko ang tinig. Mayamaya ay narinig ko ang isang huni ng ibon na tila bumabati sa bagong umaga. Naging dalawa iyon…tatlo…apat…hanggang tuluyang dumami na tila nag-aawitan. Nasamyo ko rin ang mabangong amoy ng kapaligiran. Amoy ng mga bumaklak na para bang kasama ng hangin.
Nasaan ako?
Unti-unti akong nagmulat ng mga mata. Maamong mukha ang tumambad sa aking paningin. Kilalang kilala ko ang mukhang iyon…ang mukhang nakalarawan sa painting sa silid ni Lola Consuelo. Paulit-ulit akong kumurap. Nananaginip lamang ako. Hindi totoo ang nakikita ko. Mariin akong pumikit sa pag-asang sa susunod kong pagmulat ay lilinaw na ang isip ko at hindi na siya ang makita kong nakatunghay sa akin.
Ngunit sa muli kong pagmulat ng mga mata ay natagpuan kong nakatunghay sa akin ang pamilyar na mga matang iyon. Hindi ako maaring magkamali. Nakita ko na ang mga mata niya…hindi sa painting ni Lola kundi noong mamatay si Christian. Iyon ang mga matang nakahunghay sa akin noon…
“K-Kayo ang hinahanap ko…” halos hindi naglagos sa lalamunan ang nanginginig kong boses. Nalito ako ng husto. Hindi siya kumibo, nakatunghay lamang sa akin. Ngayon ay malinaw na sa akin ang damdaming nabasa ko sa mga mata niya noon…pagmamahal.
“Kasama ko ang iyong kaibigan,” sabi niya. Ang tinig ay tila naghahatid sa akin ng kapayapaan.
“M-Maari ko po ba siyang makita?”
“Hindi pa ngayon, Amor…” lumakas ang mga huni ng ibon sa paligid. Kasabay noon ang pag-ihip ng mabining hangin dala ang mabangong amoy ng mga bulaklak.
Naramdaman kong maingat niyang idinantay ang kanyang palad sa tapat ng puso ko. “Bumalik ka at sabihin sa lahat ang iyong nakita. Tapusin mo ang kuwento, Amor. Ipakilala mo kung sino ako at sabihin mo sa lahat na ako ay natagpuan mo na.”
Hindi ko kayang ipaliwanag ang kapayapaang naramdaman ko dulot ng palad niyang nasa dibdib ko. Napapikit ako…
Mula sa palad niya ay naramdaman kong may malamig na hanging gumapang at nagkulong sa napapagod kong puso. Inaruga ng hangin na iyon ang mahinang pintig ng buhay hanggang sa unti-unti iyong lumakas…
Ramdam ko sa aking dibdib ang bagong pintig…ang bagong buhay. Hindi na ako nagmulat pa ng mga mata. Alam kong pagpapalain ang puso ko ng kamay niyang nakadantay pa rin sa tapat niyon.
“Kasama ninyo ako sa lahat ng sandali…” ang tinig niyang iyon ang nagduyan sa akin patungo sa lugar na aking nilisan.
Muli kong nakita sa aking diwa ang painting sa silid ni Lola Consuelo…at ang dalawang salita na malinaw na nakaukit sa bandang ibaba ng larawan…
JESUS CHRIST.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento